Thursday, February 11, 2010

Pagliyab ng WW2

Ang kaayusan at kagandahan ng mga istruktura at gusali ng Intramuros ay nasira sa pagdating ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noong 1942, kahit idineklara ni Hen. Douglas MacArthur ang lungsod bilang “Open City”, lubusan pa rin itong pinaulanan ng bomba ng Hapon. Di kalaunan, nawasak ang buong Intramuros kasama ng ibang parte ng Maynila. Nasunog ang karamihan sa mga simbahan tulad ng simbahan ng San Nicolas at San Ignacio. Gumuho ang lahat ng gusali maliban sa isa, ang Simbahan ng San Agustin.

Ayon sa ilang pananaliksik, ang orihinal na plano ng mga Hapones para sa Maynila ay ang paglisan ng lahat ng naninirahan dito. Para kay Hen. Yamashita, mas makakabuting istratehiya para sa Hapon ang lisanin ang lungsod na ito at pasabugin na lamang ang lahat ng tulay o tawiran ng ciudad na maaaring gamitin ng mga sundalong Amerikano sa kanilang pagdating. Naisip ng Heneral na mahihirapan ang mga Hapones na dipensahan ang pook dahil sa laman nito ay mga istruktura at gusali na madaling masunog. Maliban dito, lubos na malaki ang kanyang populasyon. Sa kasamaang palad, hindi ito nasunod ng inatasan na manguna na si Rear Admiral Iwabuchi Sanji. Taliwas sa utos ni Yamashita, magpasya si Iwabuchi na gumawa ng depensa sa Intramuros laban sa parating na mga Amerikano.

Mula Pebrero 23 hanggang 28, kinuha ni Iwabuchi ang humigit kumulang na 4,000 na sibilyan sa Intramuros bilang ‘hostages’ sa isang desperadong paraan na kalabanin ang pwersang Amerika na dumating. Isang libong sibilyan ang walang kalaban-laban na pinatay ng mga tauhan ng Rear Admiral. Mga tatlong libo naman ang nakatakas o pinkawalan sa dapit hapon ng Pebrero 23. Ang natira ay namatay sa kalagitnaan ng putukan sa pagitan ng dalawang kampo.

No comments:

Post a Comment